Mariing kinukundena ng Makabayan Bloc sa Kamara ang pagpapasara ng pamahalaan sa mga websites ng mga progresibong organisasyon at mga independent media.
Iginiit ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na ang kautusan ni National Telecommunications Commission (NTC) at National Security Adviser Hermogenes Esperon ay hindi sumailalim sa due process.
Aniya pa, ang pagpapasara sa mga websites ng mga aktibista at mga alternative media ay mistulang throwback sa martial rule era.
Tahasang paglabag din aniya ito sa karapatan sa pamamahayag na siyang ginagarantiyahan ng saligang batas.
Tinawag naman ni ACT-Teachers Party-list Rep. France Castro na red-tagging ang ginagawa ng gobyerno salig sa pagpapatupad ng Anti-Terrorism Act.
Umapela ang Makabayan na silipin at alisin ng korte ang mala-batas militar at anti-democratic provisions ng terror law.