Pagpapasara sa websites ng mga progresibong organisasyon, independent media at international organizations, pinapaimbestigahan na sa Kamara

Pinapaimbestigahan ng Makabayan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang ginawang pagpapasara sa websites ng mga progresibong organisasyon, independent media at foreign-based organizations.

Inaatasan sa inihaing House Resolution 49 ang Committee on Human Rights at Committee on Public Information na agad magsagawa ng pagsisiyasat sa ginawa ng National Security Council, National Telecommunications Commission at ng ibang ahensya na pagpapasara sa mga websites ng mga aktibista, independent media at international organizations.

Hinihimok ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro ang papasok na liderato ng Kamara na agad imbestigahan ang iligal na pagpapasara sa websites ng mga organisasyon.


Ang inilabas aniyang memorandum ng National Telecommunications Commission (NTC) ay hayagang red-tagging sa mga progressive organizations, independent media at foreign-based organizations gayong wala namang sapat na batayan para i-blocked ang websites ng mga ito.

Punto pa ng kongresista, wala sa mga umiiral na batas na may kapangyarihan ang National Security Council (NSC), NTC at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na magpasara ng mga websites nang walang kautusan mula sa korte.

Facebook Comments