Pagpapasya sa Committee Chairmanship, wala sa kamay ng Senate President

Hindi ang Senate President ang magpapasya kung sinong senador ang magiging chairman ng bawat komite.

Ito ang nilinaw ni Senate President Tito Sotto III matapos aminin ni Senator Manny Pacquiao na may konting gusot ngayon kaugnay sa Committee Chairmanship.

Sabi ni Sotto, sa kanilang tradisyon ay hinahayaan na sa mga nakaupong senador ang hinahawakan nilang komite.


Ang problema ay may mga nanalong dating senador aniya na nais kunin ang mga komite na hinawakan din nila noon habang may mga baguhang senador ang may napupusuang komite na hawak na ng incumbent senators.

Paliwanag ni SP Sotto, ang pagpili ng mga senador na mamumuno sa bawat komite ay pagdedesisyunan at pagbobotohan sa plenaryo ng lahat ng mga senador.

Kaugnay nito ay plano ni Sotto na bago magbukas ang 18th Congress sa Hulyo ay kanyang pupulungin o magkaroon ng fellowship ang mga senador kasama ang mga kakapanalo lang nitong Midterm Elections.

Ayon kay Sotto, paraan ito para mapag-usapan at magkaroon ng kasunduan ang mga senador ukol sa Committee Chairmanship.

Katulad ni Senator Pacquiao ay tiwala din si sotto na mapaplantsa din ang lahat gusot na ito sa lalong madaling panahon.

Facebook Comments