Nanawagan si House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers na papanagutin pa rin ang mga kandidatong nanalo sa halalan na kabilang sa Narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, hindi dapat matapos sa pagkapanalo ng mga kandidatong sangkot sa illegal-drug trade sa halalan ang kanilang pananagutan sa batas.
Dapat na masampahan ng kaso ang mga nasa narcolist sa lalong madaling panahon lalo na kung may sapat na ebidensya at mapatunayang totoong sangkot ang mga ito sa iligal na droga sa bansa.
Sakali namang mapatunayang guilty ay dapat na hindi magdalawang isip ang pamahalaan na alisin ang mga ito sa pwesto.
Ang mga nanalong Narcolist politicians ay dapat na hindi payagang manatili sa pwesto dahil siguradong gagamitin lamang ng mga ito ang kanilang kapangyarihan.