Pagpapataw ng 25 percent na buwis sa pribadong paaralan, pinapabawi ni Senator Angara

Pinababawi ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara sa Bureau of Internal Revenue o BIR ang 25-percent na corporate income tax sa mga pribadong paaralan.

Ang tinutukoy ni Angara ay ang revenue regulation 5-2021 ng BIR na nagkakansela ng 1-percent rate na inaprubahan ng Senado bilang “pandemic rescue package” sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act o CREATE law.

Inihain na ni Angara ang Senate Bill 2272 o na nag-aamyenda sa National Internal Revenue Code para maitama ang maling interpretasyon sa pagpapataw ng buwis sa mga educational institution.


Kaugnay nito ay humihingi ng tulong ang COCOPEA o Coordinating Council of Private Educational Associations laban sa naturang regulasyon ng BIR.

Ayon kay COCOPEA Managing Director Joseph Noel Estrada, pabigat sa private education sector ang ipapataw na dagdag na buwis ng BIR lalo na’t marami ang naapektuhan at ang ilan ay nagsara na dahil sa mababang enrollment epekto ng pandemya.

Giit ni Angara, isa sa mga malubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang mga paaralan kaya dapat maging sensitibo sa mga ipinatutupad na polisiya at huwag silang pahirapan.

Binigyang diin ng senador, na ang mga paaralan ay mahalagang institusyon sa ating lipunan at ka-partner ng gobyerno sa paghubog sa ating mga kabataan para maitawid ang kanilang pag-aaral kahit may pandemya.

Facebook Comments