Pagpapataw ng buwis sa e-sabong, aprubado na ng Kamara

Nakalusot na sa Kamara ang panukala na magpapataw ng buwis sa e-sabong ng mga locally licensed cockfights at derbies.

Sa botong 215 na sang-ayon at 1 namang tutol ay nakapasa ang House Bill 8065 na nag-aamyenda sa Section 125 ng National Internal Revenue Code of 1997.

Sa ilalim ng panukala na iniakda ni Ways and Means Chairman Joey Sarte Salceda, ang buwis na ipapataw ay 5% ng gross revenue ng offsite betting games ng mga locally licensed games, hiwalay ito sa buwis na ipinapataw ng mga Local Government Units (LGUs) at mga regulatory fees at charges mula sa mga ahensya ng gobyerno.


Para naman sa higit na transparency at regulasyon ay binibigyang kapangyarihan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na i-accredit at inspeksyunin ang mga devices na ginagamit para ma-verify ang tax assessments.

Inaasahang makakalikom ang gobyerno ng ₱1.25 billion na kita sa unang isang taon na implementasyon sa oras na maging batas ito.

Dahil maisasaayos na ang “gray area” sa online na aspeto ng e-sabong at iba pang electronic-betting games ay kumpyansa si Salceda na mahihigitan pa ang revenue na nakolekta ng BIR sa cockpits noong 2019 na nasa ₱13.7 million lamang.

Facebook Comments