Binatikos ni Committee on Basic Education Chairman Senator Sherwin “Win” Gatchalian ang pagpapataw ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng 25% corporate income tax sa mga pribadong paaralan sa gitna ng pandemya.
Giit ni Gatchalian, taliwas ito sa nakapaloob sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act o CREATE Law na nagtatakda ng 1% lang na income tax sa educational institutions sa loob ng tatlong taon.
Dahil dito ay isinulong ni Gatchalian na gamitin ng Senado ang oversight powers nito laban sa pagpapataw ng mataas na buwis sa private schools.
Maglalatag din si Gatchalian ng amyenda sa National Internal Revenue Code para maprotektahan ang mga pribadong paaralan at mapigilan na magsara o kaya ay magtanggal ng mas maraming empleyado.
Giit ni Gatchalian, tulong at hindi dagdag na pasanin ang kailangan ng ating mga pribadong paaralan sa panahon ng krisis na kinakaharap natin.