Manila, Philippines – Iginiit ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe sa Department of Transportation o DOTr na suspendihin ang patuloy na implementasyon ng kautusan na nagpapataw ng mas mabigat na multa sa Public Utility Vehicles o PUVs.
Ang tinutukoy ni Poe ay ang ipinapatupad na Joint Administrative Order 2014-01 na inilabas ng dating Department of Transportation and Communications (DOTC), Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) at ng Land Transportation Office (LTO).
Pahayag ito ni Poe makaraang lumabas sa pagdinig ng kanyang komite na pahirap lalo na sa malilit na tsuper at operator ang nakapaloob sa kautusan na pagtaas sa multang ipinapataw sa mga PUVs na mai-impound.
Katwiran pa ni Poe, ang nabanggit na Joint Administrative Order ay hindi rin umaayon sa Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.
Bunsod nito ay inihain ni Poe ang Senate Resolution no. 910 na nag-aatas sa Senado na imbestigahan ang hindi makataong mga multa sa mga paglabag sa batas sa pamamasada at pagbibiyahe sa lansangan.