Para kay Senator Francis Tolentino, sobrang mabigat at malupit ang multang ipinataw ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa grupo ng mga siklista na naglagay ng pansamantalang barrier sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Pahayag ito ni Tolentino makaraang pagmultahin ng MMDA ng tig-isang libong piso ang bawat miyembro ng bicycle group dahil sa inilagay nilang plastic bottles na may lamang tubig bilang temporary marker sa isang lane para sa bicycle riders.
Giit ni Tolentino, nais lang namang tiyakin ng grupo na ligtas ang kalsada para sa mga namimisekleta sa harap ng kawalan ng bike lane.
Diin ni Tolentino, sa halip na parusahan at pagmultahin, dapat pangunahan pa ng MMDA ang pag-promote sa paggamit ng bisikleta sa Metro Manila habang hindi sapat ang pampublikong transportasyon sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Tolentino, dapat makiisa ang MMDA sa ginagawang paghikayat ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa paggamit ng bisikleta at sa paglalagay ng bike lanes.