Pagpapataw ng tax sa asin, haharangin

Haharangin ng Makabayan sa Kamara ang pagsusulong ng “Asin Tax” o pagpapataw ng dagdag na buwis sa mga produkto o pagkaing may asin.

Sa itinutulak na House Bill 3719 o “Asin Tax” ay bubuwisan na ang lahat ng mga processed salty foods bilang bahagi na rin ng pag-iingat sa kalusugan ng mga tao.

Ang mga salty foods na karaniwang makikita sa mga processed foods tulad ng mga de lata at noodles ay itinuturing na “silent killer” na nagiging sanhi ng mga sakit tulad ng UTI, heart attack at stroke.


Sa ilalim ng panukala ay bubuwisan ng piso sa kada milligram na makikitang asin sa produkto.

Pero tinututulan ito ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate dahil ang mga maaapektuhan ng panibagong pagbubuwis na ito ay mga mahihirap na minsan ay noodles lamang ang naihahain sa mga hapag kainan.

Bukod dito, ang mga ipinamimigay ding relief goods sa tuwing may kalamidad ay noodles at de lata o kaya ay sardinas kaya tiyak na marami ang matatamaan sa panukalang ito.

Facebook Comments