Pinagtibay ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7425 o Digital Transactions Value Added Tax (VAT).
Sa botong 167 na pabor, anim na tutol at isang abstention ay inaprubahan ng Kamara ang panukala na layong amyendahan ang ilang probisyon ng National Internal Revenue Code of 1997 kung saan papatawan ng VAT ang mga digital transaction sa Pilipinas.
Sakop nito ang mga digital o electronic transaction ng pagbebenta o barter ng goods at services.
Halimbawa nito ang online market place, streaming platforms, social networks, e-learning platforms, online newspapers at journals at payment processing services.
Itinutulak na patawan ng 12% VAT ang gross receipts ng mga non-resident Digital Service Providers (DSP), ngunit maaari itong ibaba sa 5% kung ito ay nagbibigay serbisyo sa gobyerno.
Oobligahin din ang mga non-resident DSP na magparehistro sa VAT kung ang gross sales o receipts nito sa nakalipas na taon ay lagpas sa P3 million.
Sa nauna nang taya ni Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, isa sa may akda ng panukala, inaasahan na makakalikom ito ng P10 billion na kita para sa gobyerno o P1 billion revenue mula sa local platform at P9 billion revenue naman mula sa foreign platform.