Tutol ang ilang mga kongresista sa mayorya at minorya kaugnay sa isinusulong na pagpapataw ng Value Added Tax (VAT) sa streaming at online services providers.
Ang reaksyon ay kasunod na rin ng pag-apruba sa committee level ng panukala para patawan ng 12% VAT ang mga E-commerce platforms tulad ng Netflix, Amazon, Spotify, etc. gayundin ang mga third-party online services providers na Lazada, Shopee at iba pa.
Giit dito ni Deputy Majority Leader at Bagong-Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera, dapat na pag-isipan ng kanyang mga kasamahang kongresista ang tuluyang pag-apruba sa panukala dahil tiyak na masasaktan dito ang consumers.
Sinabi ng kongresista na tiyak na ang ipapataw na 12% VAT sa online services na ito ay ipapasa sa consumers sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo sa mga produkto at serbisyo.
Bukod sa consumers ay tatamaan din aniya ng VAT ang online sellers na nagbebenta ng mga produkto sa online shopping platforms.
Tinawag naman ni Deputy Minority Leader Carlos Zarate na anti-consumer ang hakbang na ito dahil kahit pa sinasabing ang bubuwisan naman ay foreign companies sa huli ay tiyak na papasanin ito ng publiko dahil ang VAT ay isang ‘pass on tax’.
Kung gusto talaga aniya ng gobyerno na maitaas ang kita nito ay dapat mga mayayaman, korporasyon, at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang pinapatawan ng mga dagdag na buwis.