Isinusulong sa Senado ang pagpapataw ng Value Added Tax (VAT) sa lahat ng digital transactions.
Sa Senate Bill 250 na inihain ni Senator Pia Cayetano, pinapatawan ng VAT ang lahat ng pagbebenta at palitan ng produkto at serbisyo na ginawa “digitally o electronically”.
Kabilang dito ang online shopping, online video game, social network, online courses, webinars, online newspapers at may digital content tulad ng pelikula at musika.
Nilinaw ni Cayetano na hindi ito paglikha ng bagong buwis kundi nililinaw at pinalalakas ang kapangyarihan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagkolekta ng VAT sa lahat ng digital service provider na nakatalaga sa loob at labas ng bansa.
Nakabatay rin aniya ang panukalang batas sa naunang inihain naman ng Kamara noong 18th Congress kung saan layunin na gawing pantay ang trato at pagpapataw ng buwis sa traditional at digital business.