Iginiit ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro ang pagpapataw ng wealth tax sa kita ng mayayamang mga Pilipino sa halip na ituloy ang pagsasabatas sa House Bill 6398 na layuning lumikha ng Maharlika Investment Fund o MWF.
Punto ni Castro, hindi na nga makapagbigay ng maayos na benefits ang mga pension agencies tulad ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) ay magsusugal pa ito ng pondo sa MWF na isang investments na walang katiyakan.
Nakababahala at nakakaduda rin para kay Castro na ang kompanyang itinayo ng mga proponents ang siyang mag-iinvest sa pera na hindi naman sa kanila kaya maliban sa usapin ng conflict of interest ay mukhang magiging pugad din umano ito ng korapsyon.
Katwiran pa ni Castro, ang sovereign wealth funds ay ginagawa lamang ng mga bansa kapag may surplus silang pondo.
Diin ni Castro, hindi ito uubra sa Pilipinas kung saan maraming gutom, walang trabaho, kailangan ng ayuda, at may pandemya pa.
Bunsod nito ay iminungkahi ni Castro na ang mayayaman na lang ang patulungin para iangat ng ekomomiya sa pamamagitan ng pagpapataw ng wealth tax at huwag ng isugal ang pension ng mga mahihirap at nasa middle class na mga Pilipino.