Pagpapatawag ng special session para solusyunan ang problema sa mataas na presyo ng langis, inihirit ng isang kongresista

Hiniling ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag ng “special session” sa Kongreso.

Ito ay para maaaksyunan at mapagtibay na ang panukalang suspensyon o pagbawas ng “excise tax” sa ilang mga produktong langis.

Iginiit ni Zarate na kailangang kumilos na ng Palasyo at Kongreso upang maagapan ang posibleng epekto sa presyo ng krudo at iba pang bilihin bunsod ng umiinit na tensyon sa Eastern Europe partikular sa pagitan ng Russia at Ukraine.


Naniniwala ang kongresista na isa ito sa mga epektibong pre-emptive measure na kayang gawing ipatawag ng Palasyo bago magsimula ang campaign period ng mga lokal na kandidato sa eleksyon 2022.

Uubra aniyang mag-blended special session muna basta’t umusad ang naturang panukala at maaprubahan sa lalong madaling panahon.

Bago ang session break ng Kamara, naiwang nakabinbin sa plenaryo ang House Bill 10488 na nagsusulong na gawing “zero” ang excise tax sa diesel, kerosene at LPG habang kaltas-buwis naman sa gasolina na ipapatupad sa loob ng anim na buwan.

Facebook Comments