*Echague, Isabela- *Napakalaking tulong umano sa mga Echagueño ang pagpapatayo ng 19.7MW na planta ng kuryente sa San Miguel, Echague, Isabela.
Ito ang inihayag ni Engineer Maximo Anton Jr, ang project engineer ng naturang proyekto kung saan makakagawa na umano ng mas maraming negosyo at makakapagproduce na rin ng mas maraming agricultural products ang mga magsasaka.
Bukod pa rito ay mas mapapadali na rin umano ang pagsasaka ng mga Echagueño at malaking tulong rin umano ito sa pangangalaga sa ating kalikasan dahil walang mangyayaring carbon emission kumpara sa mga oil o coal fired power plants.
Ayon pa sa inhinyero ay mangunguha umano sila ng isang daan at limampung construction workers habang nasa dalawampu’t isang engineers naman ang kanilang kukunin para sa operasyon ng mga pasilidad ng nasabing planta.
Kaugnay nito ay magbubukas muna umano sila ng nasa 25 hanggang 26 kilometrong kalsada patungo sa barangay San Miguel ng Echague, Isabela at nasa dalawampu’t limang taon umano ang target na lifespan ng ipapatayong planta.
Umaasa naman ang inihinyero na susuportahan ito ng mga mamamayan dahil para naman umano sa ikabubuti ng lokalidad.
Dagdag pa niya, pinagpaplanuhan pa nilang magpatayo ng apat pang planta sa bansa kung saan isa sa parte ng Visayas at ang karamihan ay dito na umano sa parte ng Luzon.
Samantala, ang ipapatayong 19.7MW na planta ng kuryente ay pagmamay-ari ng pribadong kumpanyang Rio Norte Hydro Power Corporation ng Citicore Power Incorporated.