Plano ni Mayor Isko Moreno na magpatayo ng hospital para sa mga may sakit sa puso kapag nanalo bilang pangulo sa darating na 2022 elections.
Ayon kay Mayor Isko, napansin niya na ang kasalukuyang centers para sa mga may sakit puso ay laging punong-puno ng pasyente.
Sinabi pa ng pambato ng Aksyon Demokratiko sa pagkapangulo, nangyayari ito dahil na rin sa lubhang napakamahal magpagamot sa mga pribadong ospital at mahirap namang makakuha ng libreng gamutan.
Aniya, bukod sa karagdagang hospital para sa mga may sakit sa puso ay magpapatayo rin siya ng hospital para sa mga pasyenteng may cancer.
Sinisigurado ng alkalde na ang kanyang planong pagpapatayo ng cancer at heart hospital ay maisasakatuparan lalo’t may sapat na pagkukunang pondo ang gobyerno para maisakatuparan ito.
Para kay Mayor Isko, isa lamang itong paraan para maipadama sa bawat Pilipino lalo na ang mga may karamdaman na may gobyerno na handang kumalinga sa kanila.
Matapos ang pag-iikot sa lalawigan ng Tarlac, sunod na pupuntahan ng grupo ni Mayor Isko ang Nueva Ecija.