PAGPAPATAYO NG NUCLEAR POWER PLANT SA BAYAN NG LABRADOR, IKINAALARMA NG MGA RESIDENTE

Ikinaalarma ng mga residente ng bayan ng Labrador ang isinusulong na pagpapatayo ng Nuclear Power Plant sa bayan.
Ito ay matapos mamahagi ang Lokal na pamahalaan ng Labrador ng isang signature campaign kung payag ang isang indibidwal na magtayo ng naturang planta ng kuryente.
Layunin ng pinapapirmahang dokumento kung saan humihingi ito ng pag-apruba para sa pagtatayo hindi lamang ng isa (1) kundi anim (6) na nuclear power plant sa bayan, at ang agarang pagtatayo ng isa.

Sa naging panayam ng IFM Dagupan sa Alkalde ng bayan ng Labrador na si Mayor Ernesto Acain, ipinamahagi ang naturang signature campaign noong ikatlong linggo ng Enero at aniya hindi umano ito mandatory, sa mga residenteng pabor ay kanilang pipirmahan ito upang maging basehan kung itutuloy ang naturang proyekto.
Samantala, nito lamang huling linggo ng Enero, nagkaroon ng konsultasyon sa publiko kung saan ipinaliwanag ng mga matataas na kawani ng LGU ang teknikal na aspeto ng iba’t ibang klase ng power generating plants kabilang dito ang Nuclear Power Plant.
Ibinahagi din ng alkalde ang kahalagahan, magaganda at mabubuting maidudulot nito sa lugar gaya na lamang ng pag-iwas sa polusyon, pagkakaroon ng mura o kaya libreng kuryente at lalong-lalo na umano sa paglago ng ekonomiya at pag-unlad ng Labrador, makakapagbigay ng benepisyo at trabaho sa mga residente.
Dagdag pa sa sulat na ipinapaikot sa bayan ay ang nuclear energy umano ay ligtas, mura, malinis, at reliable.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa sa pangangalap ng suporta ang LGU sa planong pagpapatayo ng planta ng kuryente sa bayan. |ifmnews
Facebook Comments