Pagpapatayo ng Sangley Airport, minamadali na

Minamadali na ng Department of Transportation (DOTr) ang konstruksiyon ng Sangley Airport sa Cavite City.

Ito ay matapos iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na bilisan ang pagpapatayo nito para mailipat na doon ang ilang flight mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) pagdating ng Nobyembre.

Ayon kay Transportation Undersecretary for Air and Aviation Manuel Tamayo, ipinag-utos na ni DOTr Secretary Arthur Tugade ang 24/7 pagtatrabaho para matapos na ang nasabing paliparan.


Sabi pa ni Tamayo, binibigyang-pansin nila ngayon ang paggawa ng drainage dahil nagiging isyu umano sa paggawa ang pagbabaha sa lugar, lalo na at katabi nito ang Manila Bay.

May plano din aniyang taasan ang lupa at tuloy-tuloy ang construction ng magiging parking area ng mga eroplanong pinatatakbo ng turbo propeller.

Bukod rito, plano rin aniya ng DOTr na buhayin ang ferry para may magamit ang mga pasahero pa-Maynila.

Nabatid na dating naval station ng Estados Unidos ang Sangley Point noong 1971 at ngayon ay ginagamit na ng Philippine Navy at Air Force.

Sa Sangley rin inilipat ang ilan sa mga pribadong eroplano mula sa NAIA.

Samantala, nangako si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na gagawin ang lahat para maisakatuparan ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na maumpisahan agad ang full operations ng paliparan sa Sangley Point, Cavite.

Layunin nitong matugunan ang congestion o pagsisikip sa NAIA.

Ayon kay Tugade – ipinag-utos na niya ang 24/7 construction ng Sangley Airport para maabot ang itinakdang operational timeline ng Pangulo.

Nag-hire na rin ang DOTr ng additional manpower, nagpatupad ng extended working hours at nagpasok ng karagdagang equipment.

Facebook Comments