CAUAYAN CITY- Dinadaing ngayon ng mga ilang tsuper ng traysikel ng Reina Mercedes ang pagpapatayo ng tulay sa pagitan ng Brgy. Turod at Brgy. Banquero, Reina Mercedes, Isabela.
Sa panayam ng IFM News Team sa ilang tricycle drivers, taong 2018 nang masira ng bagyo ang Turod-Banquero Overflow Bridge kung saan tanging bangka na lamang ang kanilang transportasyon ngayon upang makatawid sa ilog.
Ayon sa kanila, dahil sa pagkasira ng tulay ay naapektuhan ang kanilang kita lalo na at binabayaran nila ang bangka na magtatawid sa kanilang mga behikulo.
Nasa tatlong daang piso kada araw na lamang ang kanilang kinikita sa ngayon dahil maraming residente ang pinipiling mag-boarding na lamang upang makatipid.
May mga pagkakataon din umanong kinakailangan nilang umuwi ng maaga dahil kailangan nilang abutan ang mga bangkero na magtatawid sa kanilang mga traysikel.