Binuhay muli ni Albay Rep. Joey Salceda ang panawagan sa agarang pag-apruba ng Department of Disaster Resilience (DDR).
Ito ay kasunod na rin ng pananalasa ng Bagyong Odette sa mga lugar na hindi karaniwang dinadaanan ng bagyo.
Iginiit ni Salceda na dahil “unusual” o hindi pangkaraniwan ang tinatahak ng bagyo, wala nang lugar sa Pilipinas ang maikokonsiderang ligtas mula sa mga kalamidad na dulot ng climate change.
Punto pa ng Ways and Means Chairman, ang Northern Mindanao at Central Visayas ay hindi katulad sa Bicol at Eastern Visayas na” structurally” at “culturally” na handa sa bagyo.
Binigyang-diin pa ng may-akda ng DDR sa Kamara ang katotohanan na hindi na pwedeng masabi na ang isang area ay “typhoon-proof” kaya naman kailangang baguhin na rin ang pamamaraan sa pagtugon sa kalamidad kung saan dapat ay magkaroon na ng national agency na nakatutok lamang sa disasters.
Ang DDR ay napagtibay na sa Kamara habang nakabinbin pa rin ito sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.