Hinihimok ni ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran ang mga media practitioners na ipanawagan sa Senado ang mabilis na pag-aapruba sa Media Workers’ Welfare Act.
Ang House Bill 8140 ay nakalusot na sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa habang sa Senado ay natalakay na ito sa Technical Working Group (TWG) at iaakyat pa lang sa ikalawang pagbasa.
Umaapela na mismo si Taduran sa media upang mapabilis ang pag-usad nito sa Senado.
Sa ilalim ng Media Workers’ Bill ay tinitiyak ang security of tenure, tamang pasahod, pagkakaroon ng hazard pay at social benefits.
Umaasa ang kongresista na bago maging abala sa kampanya sa halalan sa Pebrero ang mga mambabatas ay napagtibay at napirmahan na ng pangulo ang panukala.
Samantala, kasabay ng panawagan para sa benepisyo ng mga media workers’ balik-ere ulit si Taduran sa himpilang DZXL sa programang “On The Spot” na aarangkada na sa Disyembre 1.