Binawi na ng Korte Suprema ang temporary restraining order sa pagpapatuloy ng Sandiganbayan sa paglilitis kay dating Pangulong Noynoy Aquino.
Kaugnay ito ng kasong Usurpation of Authority na isinampa noon ni dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales hinggil sa pagkamatay ng SAF 44 sa Mamasapano, Maguindanao.
Dahil sa nasabing desisyon, maaaksyunan na ng Sandiganbayan ang hiling ni Ombudsman Samuel Martires na mai-withdraw ang kaso at mapalitan ito ng mas mabigat na asunto.
Naniniwala kasi si Omb Martires na masyadong mababaw ang kasong usurpation of authority kaya hiniling nila sa Sandiganbayan na iwithdraw ang kaso
Sa ganitong paraan, makakapagsampa na uli ang Ombudsman ng nararapat na kaso o mas mabigat na kaso laban sa grupo ni PNoy at sa iba pang responsable sa masaker sa mga miyembro ng PNP SAF.
Noong Hunyo, naghain na ang Ombudsman ng mosyon sa Sandiganbayan na nag-aatras sa kasong graft at usurpation laban kay Aquino.
Bukod kay Aquino, akusado rin sa kaso sina dating PNP Chief Alan Purisima at dating PNP Special Action Force Director Getulio Napenas Jr.
Matatandaan na noong January 25, 2015, mahigit 60 ang namatay kabilang na ang 44 na myembro ng Special Action Force nang sumiklab ang engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao.