Pagpapatuloy sa Build-Lease-Transfer Agreement sa MRT, ipinababasura

Manila, Philippines – Ipinababasura ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa gobyerno ang Build-Lease-Transfer (BLT) agreement na ipinasa ng Metro Rail Transit Corporation (MRTC) sa gobyerno.

Giit ni Zarate, kahit ang Department of Transportation na ang may hawak sa maintenance ng MRT ay patuloy pa rin na nagbabayad ang publiko sa maintenance, rehabilitation at expansion nito resulta ng mga naging katiwalian noong nakaraang administrasyon.

Hanggang sa ngayon din ay nakakaranas pa rin ang publiko ng problema sa tren at dahil sa kasunduan na unang pinasok ng MRTC ay nakatali ngayon ang gobyerno sa pagbabayad ng obligasyon sa tren hanggang 2025.


Ayon pa kay Zarate, nang dahil sa kasunduan ay aabot pa ng 75 Billion hanggang 100 Billion ang ibabayad para sa equity rental payments (ERPs).

Dapat na aniyang ibasura na ito ng tuluyan dahil hindi na tama na bulok ang serbisyo pero sinisingil naman ng mahal ang publiko.

Isinisi ni Zarate kina dating Pangulong Aquino at dating DOTC Sec. Jun Abaya ang kapabayaan na ito kung saan pinasalo ang responsibilidad sa mga tao habang hinayaan ang MRTC na gatasan ang mga commuters na wala man lamang ginagawa.

Facebook Comments