Pinamamadali na ni Senator Joel Villanueva sa Commission on Higher Education (CHED), Department of Health (DOH) at Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapatupad ng “Doktor Para Sa Bayan” law.
Hinimok din ni Villanueva ang CHED at DOH na gumawa ng website para lamang sa scholarship program para magsilbing “one-stop information center at application portal.”
Sa naturang batas ay pinagsama-sama ang lahat ng medical scholarship programs sa ilalim ng isang Scholarship and Return Service (MSRS) program.
Tutustusan nito ang tuition at iba pang pangangailangan ng iskolar medisina tulad ng libro, dormitoryo, laboratory fees, allowance, internship, medical board review at licensure fees, at iba pa.
At kapag nagtapos na ang mga iskolar at pumasa na sa board exams ay susuklian nila ang ipinatustos sa kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng pagiging doktor sa mga baryo at iba pang pampublikong pasilidad.
Diin ni Villanueva, kailangang mapadami ang mga doktor sa bansa bilang isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng serbisyo sa publiko lalo na sa panahon ng pandemya.