Pagpapatupad ng ECQ sa Santiago City, Posible ayon kay Mayor Tan

Cauayan City, Isabela- Pinawi ni City Mayor Joseph Tan ng Lungsod ng Santiago ang pangamba ng publiko matapos muling makapagtala ng tatlong (3) panibagong kaso ng COVID-19.

Ayon kay Tan, agad na nasalubong ang tatlong pasyente lulan ng isang sasakyan na kaagad namang idiniretso sa quarantine facility na inilaan ng Lokal na Pamahalaan.

Aniya, maaari din na isailalim sa Enhanced Community Quarantine ang lungsod kung hindi susunod ang nakararaming Santiagueño sa pagpapatupad ng batas at dahilan para maging limitado lang ang galaw ng mga tao sa kabila ng nadaragdagan pang bilang ng mga nagpopositibo sa virus.


Hiniling naman ng alkalde sa Santiagueño na maging mapagmatyag at sundin lahat ng panuntunan upang makaiwas sa posibilidad na paghawa sa nakamamatay na sakit.

Inanunsyo rin ng opisyal na may travel history sa Metro Manila si CV 65 na residente ng Brgy. Rosario, habang si CV 66 naman ay mula sa Brgy. Caloocan, at si CV 67 naman ay mula sa Centro East.

Si CV67 ay nakakaranas umano ng pag-uubo na agad dinala sa Southern Isabela Medical Center.

Dumating ang mga pasyente noong June 20, 2020 at sila ay isinailalim ng RT-PCR test noong June 22, 2020 at lumabas ang positibong resulta ngayong araw.

Samantala, mananatiling calibrated total lockdown ang Purok 4,5 at 6 ng Barangay Mabini dahil wala pang nailalabas na resulta ng swab test matapos magkaroon ng pakikisalamuha ang isang senior citizen na nagpositibo sa virus.

Facebook Comments