Magpapatuloy ang implementasyon ng granular lockdown sa kada barangay o household kahit pa sa mga lugar na nasa ilalim na ng Alert Level 1.
Sa ulat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año kay President Rodrigo Duterte sa kaniyang ‘Talk to the People’, sinabi nitong layunin ng granular lockdown na maagapan upang hindi na kumalat pa at tumaas muli ang mga kaso ng COVID-19.
Paliwanag ni Año, hindi dahilan ang Alert Level 1 para hindi na magpatupad ng granular lockdown na napatunayang isang mabisang paraan para makontrol ang hawahan ng sakit.
Sa pinakahuling datos ng DILG hanggang nitong February 26, mayroon pang 21 mga lungsod at munisipalidad sa buong bansa ang nasa ilalim ng granular lockdown kung saan kumakatawan ito sa 104 na mga barangay, 215 na mga kabahayan at 289 na mga indibdwal.
Ayon kay Año, nagbaba na siya ng direktiba sa Local Government Units (LGUs) na ituloy pa rin ang pagpapatupad ng granular lockdown kahit nasa Alert Level 1 na ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.