Cauayan City, Isabela- Gumawa na ng ilang hakbang ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya para sa mga ipinatutupad na guidelines sa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Governor Carlos Padilla, bagamat nasa kategoryang MGCQ ang rehiyon dos ay pinanatili pa rin ng probinsya ng Nueva Vizcaya ang mahigpit na pagbabantay sa mga quarantine checkpoints upang mabantayang mabuti ang lahat ng mga papasok at lalabas sa Lalawigan.
Sa kabila na rin ito ng patuloy na pagdami ng mga nagpoposito sa COVID-19 sa probinsya lalo na sa bayan ng Solano na nakapagtala ng Community transmission.
Base sa inilabas na resolusyon na pinagtibay ng Gobernador, nagkaroon muli ng travel restrictions sa lahat ng bibiyahe papasok at palabas ng probinsya subalit mayroon pa rin namang konsiderasyon sa mga health worker o sa mga Authorized Persons Outside Residence (APOR).
Kaugnay nito, napag-usapan na rin aniya kung paano ito ipatutupad ng maayos ng mga pulis na nagmamando sa boarder checkpoints.
Susuriin na rin ng mabuti ang pag home-quarantine ng mga COVID-19 Positive na dapat ay nainspek muna ng Public Health officer ang bahay ng pasyente at kung ito pinapayagan ng DOH 2.
Nakalagay din sa resolusyon ang kanilang pag-apela sa publiko na umiwas muna sa pagdalo sa anumang pagtitipon gaya ng religious activity, birthday party o anumang selebrasyon na maaaring daluhan ng maraming tao.
Nananawagan naman sa mga residente ang ama ng probinsya na suportahan at makiisa sa kanilang pakiusap upang tuluyang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng mga nagpopositibo.