Aasahan pa ang mas mahigpit na pagpapatupad ng public health protocols na ipinag-uutos ng Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH) maging ang mga lokal na ordinansa.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Brig Gen. Bernard Banac, gagawin nila ang mga mahigpit na pagpapatupad matapos ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na gusto nitong ipaaresto ang lahat ng nasa labas na walang suot na face mask.
Kabilang sa health protocols na dapat sinusunod ay ang mandatory na pagsusuot ng face mask, physical distancing, walang siksikan sa mga pampublikong lugar at pampublikong sasakyan at iba pang gawain na maituturing na banta sa kalusugan ngayong may COVID-19 pandemic.
Batay sa datos ng DOH, mula nang ibinaba sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila at mga kalapit rehiyon ay lalo pang tumaas ang bilang ng mga COVID-19 cases sa bansa.