Pagpapatupad ng limited face-to-face classes sa mga lugar na walang kaso ng COVID-19, naka-depende kay Pangulong Duterte

Nananatiling bukas ang Department of Education (DepEd) sa posibilidad na magpatupad ng limited face-to-face classes.

Ito ay kasunod ng apela ng ilang mambabatas sa DepEd na ikonsidera ang pagsasagawa ng “localized face-to-face classes” sa mga munisipalidad na may mababa o walang kaso ng COVID-19 nang sa gayon ay makasabay sa pag-aaral ang mga batang walang access sa internet.

Matatandaang kinuwestyon din ni Senador Imee Marcos ang pagtutol ng gobyerno na ibalik ang face-to-face classes habang pinapayagan naman ang operasyon ng sabong at iba pang recreational activities.


Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio na patuloy na pinag-aaralan ng kagawaran ang posibleng pagsasagawa ng experimental limited face-to-face classes na nasusunod ang requirements ng Inter-Agency Task Force at Department of Health.

Kabilang aniya rito ang aktibong kooperasyon ng mga barangay at local official para masigurong malilimitahan ang kilos ng mga bata pagkalabas ng eskwelahan.

“Ang maliwanag, hindi ito gagawin sa mayroong matataas na risk ng COVID-19 at kailangan po ang mga principal, superintendent ay talaga pong mas paiigtingin ang pakikipag-ugnayan sa mga local government. Kasi po, ang makokontrol natin dito yung behavior ng mga bata sa loob,” paliwanag ng DepEd official.

Pero ayon kay San Antonio, ang pagsasagawa ng limited face-to-face classes ay naka-depende pa rin sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ako po personally, palagay ko tama rin na magkaroon ng limitadong face-to-face sa mga lugar na wala naman talagang problema sa COVID pero syempre po hindi natin ito kayang gawin hangga’t hindi nagpapahayag ang pangulo na pinapayagan,” ani San Antonio.

Facebook Comments