Pagpapatupad ng localized lockdowns sa mga lugar na may pagtaas ng kaso ng COVID-19, suportado ng DOH

Nanindigan ang Department of Health (DOH) na ‘localized lockdowns’ na lang ang ipaptuupad sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19 sa halip na mas mahigpit na quarantine protocols.

Ito ang naging tugon ng ahensya sa panawagan ng OCTA Research Team na mas higpitan ng gobyerno ang quarantine protocols sa Bauan, Batangas, Calbayog sa Eastern Samar at sa General Trias, Cavite na pawang nakitaan ng pagtaas sa kaso ng COVID-19.

Batay sa OCTA Research, sa arawang naitatalang kaso kada 1,000 tao simula noong Oktubre 4 hanggang 11, tumaas mula 6.2% hanggang 11.9% ang kaso sa Bauan habang mula 5.1% hanggang 8% sa Calbayog at 4.9% hanggang 7.6% naman sa General Trias.


Giit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi naman ito nakababahala dahil mayroon pang sapat na kapasidad ang mga hospital para maalagaan ang mga pasyente kaya’t walang basehan na higpitan ang mga quarantine protocols sa nasabing lugar.

Maliban sa ‘localized lockdowns’, kailangan lang ding gawin ang agarang contact tracing, paghihiwalay sa mga nakasalamuhang may virus at mahigpit na pagsunod sa minimum health standards sa mga nasabing lugar.

Facebook Comments