Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang pagkakaroon ng mas matagal na fuel subsidy program bilang tulong sa mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers na naapektuhan ng pandemya.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Metro Manila Director Zona Russet Tamayo, sa susunod na taon ito posibleng pag-usapan para makapagdesisyon kung ipagpapatuloy ang programa.
Sa ngayon, nasa P560 milyong pondo na ang naipagkaloob sa mga kwalipikadong tsuper kung saan inaasahang tataas pa itong hanggang sa Disyembre.
‘Sa binigay pong budget sa atin na 1 billion, nasa around more than 560 million na po ang initially nailabas po natin through Landbank. Now as regards po doon sa mga wala pa pong cards, pinipilit ho nating tapusin ho ito by month-end so we only have some few days left po so that ho by starting ho ng December ay mai-distribute na po ‘yung remaining cards po sa ating mga beneficiaries – the soonest possible time po.” ani Tamayo
Kahapon nagsimula ang pamamahagi ng P7,200 subsidiya para sa 136,000 PUV drivers sa ilalim ng Pantawid Pasada Programa (PPP).
Tiniyak naman ni Tamayo na magagamit ang tulong na ito sa maayos na paraan at pananagutin ang sinumang operators na mananamantala.
“Titingnan ho natin ang nangyari at bakit ho siya lumabag sa Deed of Undertaking po na kaniyang pinirmahan. Wala namang hard and fast rule dito. We are trying to be considerate din po dahil ito po ay subsidiya po kaya on the part din po ng ating mga beneficiaries ay pinakikiusapan ho natin sila na tumupad po sa kanilang undertaking na gamitin lang ito sa ating fuel purchases para maiwasan naman po na sila ay ipatawag pa ng LTFRB dahil sa maling paggamit po ng kanilang cards.” sabi pa ni Tamayo.