Pabor ang Civil Service Commission (CSC) na magpatupad ng mass testing sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno para maagapan ang pagkalat ng COVID-19 at hindi makompromiso ang kanilang operasyon.
Ito ay sa kabila ng pahayag ng National Task Force Against COVID-19 na hindi polisiya ng gobyerno ang magpatupad ng mass testing dahil magastos ito.
Ayon kay CSC Commissioner Atty. Aileen Lizada, puwedeng gawin ang testing tuwing kada dalawang linggo.
Aniya, ang gatos sa mass testing ay maaaring balikatin ng Department of Budget and Management sa pamamagitan ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE).
Matatandaang dahil marami ang tinatamaan ng COVID-19 sa mga kawani ng gobyerno, nagpatupad ng alternative work arrangements habang sa bahay muna magtatrabaho ang ibang empleyado para hindi mahawaan ng virus.