Nauunawaan ng Philippine Nurses Association (PNA) ang desisyon ng gobyerno na ilagay sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila at ilang karatig-probinsya sa halip na sundin ang apelang ECQ ng mga medical group.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PNA National President Rosie De Leon na nauunawaan nila na nais lang ng gobyerno na i-balanse ang ekonomiya at kalusugan.
Kung tuluyang isasara ang ekonomiya, maaari aniya itong magresulta ng iba pang problema gaya ng pagtaas ng unemployment at poverty rate.
Ayon naman kay Philippine Medical Association (PMA) President Dr. Jose Santiago Jr., malaking bagay na binigyan sila MECQ para ma-recalibrate ang kanilang mga istratehiya sa paglaban sa COVID-19.
Muli ring nilinaw ni Santiago na ang pagtataas nila ng kamay ay hindi paghahamon ng rebolusyon sa gobyerno kundi simbolo na nagkakaisa ang medical frontliners sa paglaban sa COVID-19.