Ipinaliwanag ngayon ng lokal na pamahalan ng maynila kung bakit may nagaganap na night market sa divisoria kahit pa may curfew bunsid na din ng pinapairal na Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa banta ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa pahayag ng lokal na pamahalaan, nagpasiya si Mayor Isko Moreno na i-exempted sa curfew ang Divisoria dahil ito daw ang bagsakan ng mga pagkain para sa Metro Manila at mga karatig lalawigan kung saan dito din kadalasan kinukuha ang mga paninda na nabibili sa araw-araw sa mga malalaking palengke at talipapa.
At kung isasara daw ito, maaaring magutom ang karamihan sa mga taga Metro Manila at posibleng maapektuhan ang mga magsasaka lalo na sa Northern Luzon na siyang nagdadala ng kanilang mga produkto tuwing alas-5:00 ng hapon sa divisoria.
Napag-desisyunan din na gawin ang bentahan sa gabi para magamit ang malawak na kalsada na naghihiwalay sa Binondo at Tondo, CM Recto, patungo sa Pier at ibat-ibang sentro ng negosyo sa Maynila sa araw.
Mariin naman ipinapatupad ang physical distancing sa mga nagtitinda at namimili sa divisoria gayundin ang pagsusuot ng face mask habang mahigpit ang isinasagawang seguridad ng manila police district upang masigurong nasusunod ang patakaran ng ECQ.
Nabatid na nagsisimula ang night market ng alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00ng umaga at pagtapos nito ay magliligpit na ang mga tindahan kasabay ng paglillinis ng department of public service.