Pagpapatupad ng online voting system para sa mga OFW, minamadali na ng COMELEC

Inaapura na ng Commission on Elections (COMELEC) ang terms of reference para sa internet voting system o paraan ng pagboto ng Overseas Filipino Workers (OFWs) online.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na kapag natapos ang terms of reference ay kasunod nito ang gagawing public bidding.

Siniguro naman ni Laudiangco na sapat ang seguridad na kanilang ilalapat para maprotektahan ang balota o boto ng mga botante na gagamit ng online voting system.


Sa pamamagitan aniya ito ng confirmation at auditable na paraan ng authentication.

May password din aniyang gagamitin para ma-confirm ang taong nagparehistro, nakaboto ito at nabilang ang kaniyang boto.

Subject din aniya ito ng audit para makita kung gaano ka-accurate ang system.

Nilinaw naman ni Laudiangco na hindi sa lahat ng bansa sa mundo na may mga Pilipino ay online voting system ang gagamitin, dahil meron din aniyang mga lugar ang hindi ito pinapayagan tulad sa China at Israel.

Kaya naman, gagamitin pa rin aniya ang physical voting o pagtungo ng OFW sa mga embahada o konsulada ng bansa para doon personal na bumoto.

Facebook Comments