Hiniling ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa Task Force na nagsisiyasat sa umano’y katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ipatupad na ang preventive suspension sa mga sangkot sa iregularidad sa ahensya.
Ayon kay Roque, ang panawagan niyang ito ay bilang isang advocate ng Universal Health Care at hindi bilang tagapagsalita ng Pangulo.
Kailangan kasi aniyang maihain agad ang suspensiyon dahil posibleng mawala pa ang mga dokumentong pwedeng maging ebidensiya sa mga may kinalaman sa katiwalian.
Samantala, pawang nais nina Senator Panfilo “Ping” Lacson at Senator Risa Hontiveros na maging present na si Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque sa mga pagdinig sa Senado kaugnay sa nagaganap na katiwalian sa PhilHealth.
Ayon kay Hontiveros, si Duque lang ang mas nakakaalam ng mga nangyayari sa ahensya sa loob ng dalawang dekada kaya dapat na itong dumalo sa ikatlong pagdinig.
Giit naman ni Lacson, hindi tamang manahimik na lang si Duque lalo’t marami itong dapat ipaliwanag sa anomalya sa PhilHealth.
Una nang pinatawag ng Kamara si Duque para ipaliwanag ang panig nito pero hindi naman ito sumipot.