Pagpapatupad ng smoking ban sa buong bansa, epektibo na sa July 15; P5,000 multa, ibinabala sa mga sasaway sa batas

Manila, Philippines – Sisimulan na sa Sabado ang pagpapatupad ng Smoking Ban alinsunod sa Executive Order na una nang nilagdaan ni Pangulong Duterte, ito ay kahit wala pang IRR para sa naturang Executive Order.

Ayon kay Health Assistant Secretary Eric Tayag, simula sa Sabado, hindi na maaaring gumamit, magbenta at bumili ng mga tobacco products sa mga pampublikong lugar.

Ayon kay Tayag, makabubuting maglagay na ng mga “No Smoking” signs ang mga mayari ng mga establishimento na hindi makaka comply sa requirements ng smoking ban, upang makaiwas sa violation.


Para naman sa may mga kakayahang na magtalaga ng mga smoking area, kailangang magkaroon ng tinatawag na buffer zones o yung mga kwarto sa pagitan ng smoking area at public area, ito ay upang masalo ang usok at hindi agad makaabot sa public area ang amoy ng sigarilyo mula sa mga smoking zones.

Ayon kay Tayag, kung walang buffer zone, makabubuting huwag naring magtalaga ng smoking area dahil ikokonsidera ito bilang violation.

Samantala sa kasalukuyan, pinagaaralan na rin ng DOH na maipasama sa naturang ban ang paggamit ng vape o electronic cigarette sa mga pampublikong lugar.

Sa mga mahuhuling lalabag sa smoking ban, may kaukulang multa na 5 libong piso at apat na buwang pagkakakulong.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558

Facebook Comments