Malinaw na namba-black mail ang Social Security System (SSS).
Ito ang naging reaksyon ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) matapos na aminin ng SSS na inumpisahan na nila ang paniningil ng dagdag kontribusyon sa kanilang mga miyebro noong Enero pa.
Sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts, inamin ni SSS President and CEO Aurora Ignacio na mauubos na ang kanilang pondo sa loob ng dalawang taon at posibleng maapektuhan nito ang P1,000 Additional Monthly Benefit Allowance, Expanded 105-days Maternity Benefits at ang Unemployment Insurance Benefit.
Sa interview ng RMN Manila kay ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, sinabi nito na dapat magsagawa ng SSS ng dayalogo sa mga miyembro nito upang linawin ang tunay na estado ng pondo ng ahensya.
Naniniwala kasi si Tanjusay na hanggang taong 2054 pa ang itatagal ng pondo ng SSS, taliwas sa sinasabi ng ahensya.
Ipinunto rin ni Tanjusay na may mga paraan din para hindi direktang maapektuhan ang mga miyembro tulad ng paggawa ng panukalang batas sa Kongreso na magbibigay ng pondo sa SSS.
Una nang tinutulan ng ALU-TUCP ang contribution hike ng SSS lalo na’t karamihan sa mga miyembro nito ay nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.