Walang balak na magpatupad ng ‘total lockdown’ ang pamahalaan sa gitna ng krisis sa COVID-19.
Ito ang nilinaw ni Inter-Agency Task Force (IATF) Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles kasunod ng banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na mala-Martial Law pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Nograles, hindi kasama ang total lockdown sa mga opsyong ikinokonsdera nila sa paglaban sa COVID-19.
Hindi rin magdedeklara ng Martial Law si Pangulong Duterte.
Dagdag pa ni Nograles, isa sa pinag-uusapan ng IATF ay ang paggawa ng bagong guidelines hinggil sa magiging “triggers” ng iba’t-ibang Local Government Units (LGUs) para iakyat ang quarantine level sa kanilang mga lungsod pero depende pa ito sa approval ng Pangulo.
Kabilang rin sa pinag-aaralan kung magpapatupad ng Modified ECQ ay ang geographical locations, edad at kalusugan ng publiko.
Gayundin ang mga industriyang papayagan nang mag-operate muli pero sa limitadong workforce at uri ng transportasyon at kung paano maipatutupad dito ang social distancing rules.
Samantala, sa ulat ng Philippine National Police (PNP), umabot na sa 130,177 ang naitalang lumabag sa ECQ at 30,366 dito ang inaresto.
Nasa 2,740 motorista naman ang nasita ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa paglabag sa social distancing rules.