Pagpapatupad ng travel ban sa Vietnam, posible; Taiwan, hindi pa magdedeklara ng Alert Level 4 kahit na tumataas ang kaso ng COVID-19

Malaki ang posibilidad na magpatupad ang gobyerno ng travel ban sa Vietnam upang maiwasan ang pagpasok ng isang hybrid variant mula rito.

Pero ayon kay Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi pa ito pwedeng pangunahan dahil kailangan pang iberipika at magkaroon ng sapat na ebidensiya na ang nasabing variant ay kombinasyon ng India at UK variant.

Pinag-aaralan namang mabuti ng World Health Organization (WHO) ang ulat matapos magpalabas ang gobyerno ng Vietnam ng impormasyon hinggil sa mix variant na base sa kanilang pag-aaral ay mabilis na makahawa sa pamamagitan ng hangin.


Ani pa ni Vergeire, nagpalabas na rin ng announcement ang WHO kaugnay rito pero hindi pa nakukuha lahat ang mga detalye at nakikipag-ugnayan pa ito sa Vietnam.

Samantala, maliban dito nilinaw ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) Atty. Gilberto Lauengco na hindi pa nagdedeklara ng Alert Level 4 ang Taiwan kasunod ng paglobo ng kaso ng COVID-19 sa nasabing bansa.

Giit kasi ni Lauengco, tanging paghahanda pa lamang ang isinasagawa sa bansa pero may mga plano naman kung tumaas ang kaso.

Sa ngayon, umabot na sa mahigit 8,100 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Taiwan kung saan 1,333 ang nakarekober at 109 ang nasawi.

Facebook Comments