Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dra. Arlene Lazaro, Assistant Provincial Health Officer at COVID-19 Vaccination Program Operation Center Chairperson, ikinalulungkot nito ang mababang bilang ng mga nagpaturok ng booster dose na nasa mahigit labing isang (11) porsyento lamang.
Kanyang sinabi na kailangan aniyang magpa booster shot para mapanatili ang proteksyon sa sarili dahil nandyan pa rin ang banta ng coronavirus.
Kaugnay nito ay mayroon nang isinasagawang house to house vaccinations sa bawat barangay sa probinsya para masuyod lahat ng mga hindi pa nababakunahan.
Bukod dito ay bukas sa sinuman ang mga vaccination sites at ospital sa probinsya para sa mga nais na magpabakuna.
Mula sa total population ng Isabela, nasa mahigit 80 porsyento na ang fully vaccinated habang tuloy-tuloy naman ang ginagawang pagbabakuna sa mga batang edad lima hanggang labing isa.
Samantala, ibinahagi ni Dra. Arlene Lazaro na as of April 26, nasa anim (6) na lamang ang binabantayang aktibong kaso ng covid-19 sa Isabela.
Bagamat mababa na lamang ang active cases sa probinsya, sinabi nito na huwag pa rin magpakampante lalo na sa mga hindi pa nakakatanggap ng Covid vaccine.