Personal na desisyon ng pamilya ni Edwin Arnigo na sa National Bureau Of Investigation (NBI) paimbestigahan ang pagkamatay ng binatilyo sa anti-illegal gambling operations ng pulisya sa Valenzuela City noong Lunes.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Nanay Helen na mas nais nila na NBI ang mag-imbestiga dahil kabaro ng Philippine National Police (PNP) ang nakapatay sa kaniyang anak.
Aniya, hindi siya naniniwala sa paliwanag ng mga pulis na aksidente lang ang pagkakabaril kay Edwin at lalong imposible na nakipag-agawan ito ng baril.
Samantala, panghahawakan din nila ang pangako ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar na tutulungan sila hanggang dulo hanggang sa malutas ang kaso.
Nakiusap din si Nanay Helen sa mga nakakita sa insidente na lumutang na para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Edwin.
Tiniyak naman ni Eleazar na hindi siya magdadalawang-isip na kasuhan ang mga pulis sakaling mapatunayan na nagkaroon ng lapses sa operasyon.