Pagpapauwi ng mga Locally Stranded Individuals na kulang sa Dokumento, Itinanggi ng Bise-Gobernador

Cauayan City, Isabela- Pinabulaanan ni Vice-Governor Jose ‘TAM-AN’ Tomas Sr. ang alegasyon ni Governor Carlos Padilla dahil sa umano’y pagpapauwi nito sa mga Locally Stranded Individual (LSIs)na kulang sa mga dokumento.

Ayon kay Vice-Gov. Tomas, mayroong maayos na koordinasyon sa bawat bayan sa lalawigan at kumpleto sa mga dokumento ang lahat ng mga umuuwing stranded individuals sa probinsya at walang katotohanan ang mga ibinabatong alegasyon ng gobernador.

Aniya, politika ang nakikita niyang dahilan kung bakit humantong sa ganito ang sitwasyon na tila paninira sa kanya ni Gov. Padilla.


Giit niya, nasunod ang lahat ng polisiya ukol dito at wala siyang nilabag na batas dahil pagtulong lang sa nakararaming NOVO VIZCAYANO ang kanyang ginagawa.

Samantala,inihalimbawa pa ng bise-gobernador ang kanyang ginagawang hakbang upang makauwi ang mga stranded na vizcayano ay dahil na rin sa kanyang karanasan ng pumanaw ang kanyang ina sa kakulangan ng ambulansiya at bilang tugon ay tinupad niya ang pangakong magdagdag ng behikulo na siyang magagamit ng vizcayano.

Sa kabila nito, tiniyak ng bise-gobernador na maayos ang pakikitungo nito sa ehekutibo at hindi magpapaapekto sa sitwasyon dahil nais lang niya na maging matagumpay ang administrasyon ni Gov. Padilla.

Facebook Comments