Pagpapauwi sa iba pang OFW sa China, handang ayusin ng DFA

Inihayag ng Department of Foreign Affairs o DFA na handa silang ayusin ang panibagong repatriation flight ng ilan pang Pilipino na nasa Hubei province sa China.

Ito’y sa gitna ng patuloy na pagkalat ng 2019 novel coronavirus-Acute Respiratory Disease o 2019 nCoV-ARD.

Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay, gagawin nila ang nasabing hakbang para makauwi ang iba pang OFWs sa bansa kung saan hindi raw ito sapilitan.


Aniya, ang mga magbo-boluntaryong OFW na uuwi ay agad nilang aasikasuhin lalo na ang hindi nakaabot sa first batch.

Kaninang umaga ay dumating na sa bansa ang unang batch ng mga Pilipinong umuwi mula China na kasalukuyang nasa New Clark City sa Capas, Tarlac kung saan sila sasailalim sa 14-day mandatory quarantine.

Sinabi pa ni Dulay na marami pang Pilipino ang kailangang mag-ayos ng kanilang immigration status at ayon pa sa datos ng DFA, nasa 300 na Pilipino ang nagtatrabaho sa naturang lugar.

Bagamat ipinapatupad ang lockdown sa China, pinapayuhan ng DFA ang mga Pilipinong nais umuwi na magtungo lamang sa Embahada ng Pilipinas para mabigyan ng tulong.

Facebook Comments