Pagparada ng mga Traysikel at Pribadong Sasakyan sa Cauayan City, Hinigpitan ng POSD!

Cauayan City, Isabela – Hinigpitan ngayon ng tanggapan ng Public Order and Safety Division (POSD) ang pagparada ng mga traysikel at mga pribadong sasakyan sa mga gilid ng pangunahing lansangan sa lungsod ng Cauayan.

Sinimulan na kahapon ang pag-ikot ng mga tauhan ng POSD upang ayusin ang mga loading at unloading ng mga traysikel na namamasada habang pinuntahan rin ang iba’t ibang establisyemento upang sabihan ang mga may-ari ng sasakyan kaugnay sa mahigpit na pagpapatupad ng tamang pagparada.

Unang inayos ng POSD ang paradahan ng mga traysikel sa mismong tapat ng cityhall kung saan ay nagtalaga ng loading at unloading area para sa mga pasahero na magsasadya sa cityhall at ito ay sa magkabilang gilid ng Quezon Street at F Bucag Sr. Street upang hindi makasagabal sa mga bumabaybay na sasakyan sa pangunahing lansangan.


Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay ginoong Pilarito Malillin, ang pnuno ng POSD, inihayag nito na patuloy ang paghihigpit at pagpapatupad ng batas trapiko sa lungsod ng Cauayan sa layuning mapasunod ang lahat ng motorista sa tamang pagpaparada.

Aniya, may itinalagang karagdagang miyembro ng POSD sa lahat ng paradahan upang magbantay at manghuli ng mga lalabag sa batas trapiko.

Samantala, tinanggal narin ng POSD ang mga sidewalk vendor lalo na sa papasok na lansangan papuntang palengke upang hindi rin ito maging sagabal sa mga motorista.

Facebook Comments