Pagpasa sa panukalang pagtatayo ng Virology Institute, pinamamadali ni Sen. Lacson

Iginiit ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang kahalagahan na maisabatas agad ang panukalang magtatag ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines (VIP) hanggang December o sa unang bahagi ng taong 2021.

Diin ni Lacson, ito ay para makapagsagawa na ang bansa ng malalimang pag-aaral ukol sa mga virus na nakakaapekto sa tao at magde-develop ng bakuna.

Ayon kay Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President and CEO Vince Dizon, itatayo ang VIP sa New Clark Economic Zone sa Tarlac.


Sa pagdinig ng Committee on Science and Technology na pinamumunuan ni Senator Nancy Binay ay tiniyak ni Dizon na ligtas ang pagtatayuan nito at malayo sa National Sports Academy.

Naliitan naman si Lacson sa 284-million pesos na pondo na inilaan dito sa ilalim ng 2021 General Appropriations Bill dahil 2-bilyong piso aniya ang inisyal na pondong kailangan nito.

Paliwanag ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato Dela Peña, gagamitin nila ang initial funding sa pagbili ng mga kagamitan para sa virology center na manggagaling pa sa ibang bansa.

Binanggit ni Dela Peña na habang hindi pa naitatayo ang VIP ay tuloy naman ang mga research na pansamantalang ginagawa sa Industrial Technology Development Institute gamit ang pondo ng DOST.

Pinapatiyak din ni Lacson sa DOST na hindi magkakaroon ng overlapping ang trabaho ng itatayong VIP sa functions ng iba pang research agencies sa bansa tulad ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Facebook Comments