Iginiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa Inter-Agency Task Force (IATF) na paunti-unti nang payagan na makapasada muli ang motorcycle taxi.
Ayon kay Recto, kung ang maraming sektor ay humihingi ng subsidiya o ayuda sa pamahalaan, ang motorcycle taxi ay hindi na, basta’t payagan lang silang makapasada muli para kumita at hindi maging mapait at tuyo ang kanilang pasko.
Diin ni Recto, kung papayagan muli ang motorcycle taxis ay magtatakda naman ng health at safety standards para maproteksyunan ang driver at rider laban sa COVID-19.
Pangunahin aniya rito ang paggamit ng barriers, disinfected helmets, face masks at face shields.
Ayon kay Recto, bukod sa maibabalik nito ang kabuhayan ng motorcycle taxi drivers para matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya, ay malaking tulong din ito para mapag-ibayo ang pampublikong transportasyon.
Tinukoy ni Recto, na marami ng trabahante ang napilitang mag-resign dahil walang masakyan o kung meron man, ay matagal ang oras ng biyahe dahil kulang ang maaaring masakyan.