Mallig, Isabela – Mayroon nang suspek sa naganap na pagpaslang kamakailan sa barangay kapitan ng Trinidad Mallig Isabela at isasampa na ang kaso ngayong araw sa korte .Ito ang naging pahayag ni Isabela Provincial Director Police Senior Superintendent Mariano Rodriguez sa programang Unang Radyo Unang Balita ng RMN Cauayan.
Sinabi pa ni Isabela PD PSSupt. Rodriquez na hindi lamang ito naisampa noong biyernes (May 11,2018) dahil sa holiday sa buong Isabela at maging kahapon dahil sa araw ng Barangay at SK Eleksyon, May 14,2018.
Isasampa na umano ang kaso ngayon sa piskalya para makita kung may sapat na ebidensya at probable cause laban sa suspek at upang maituloy na ang kaso laban sa pumaslang sa kapitan ng barangay.
Kinumpirma pa ni Isabela PD PSSupt Rodriquez na election related violence ang naganap na pamamaslang at sa katunayan umano ay inirekomenda ito ng kanyang pamunuan sa PNP Regional Director hanggang sa National Office ng PNP maging sa Comelec.
Gayunman hindi pa umano maaring ilabas ang pangalan ng suspek sa ngayon hanggat hindi pa ito pormal na naisasampa ang kaso at isisilbi pa ang warrant of arrest.
Matatandaan na naragpuang nakabulagta sa daan ang barangay kapitan ng Trinidad, Mallig Isabela na si Bartolome Mackay matapos pagbabarilin ng umanoy dalawang kalalakihan sa oras na alas kwatro bente ng umaga, May 9,2018.