Sinisisi ngayon ni House Deputy Minority Leader Carlos Zarate ang Department of Agriculture (DA) sa paglala ng kaso ng African Swine Fever o ASF sa bayan ng Don Marcelino sa Davao Occidental.
Ito ay matapos ideklara ng DA-Region 9 na isailalim sa “state of calamity” ang bayan matapos na magpositibo sa ASF ang 1,000 baboy na siya ring kauna-unahang kaso sa rehiyon.
Itinuturo ni Zarate sa mga agriculture officials ang responsibilidad sa ASF outbreak sa lugar dahil sa pagiging relax at hindi agad na pag-aksyon ng mga ito sa problema bago sana ito lumala.
Sa halip aniya na ipatupad ang total ban sa mga karne na mula sa mga bansang positibo sa ASF, pinigilan pa ang paglalabas ng impormasyon ukol dito.
Nagkakatotoo na aniya ang ibinabala niya noon na posibleng mauwi sa “economic time bomb” ang problema sa ASF lalo pa’t napabalitang may naitala na ring kaso sa barangays Malita – Bito, Kidalapong, Tubalan, Felis, Mana, Talogoy, at New Argao sa Davao Occidental.
Sinabi ni Zarate na sa kabila ng babala na ipagbawal muna ang importasyon ng karne sa China at Eastern Europe, pinayagan pa rin ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang ilang kumpanya sa pag-aangkat ng bone meal, meat meal, blood meal, at blood plasma bilang cheap protein source na inihahalo sa animal feeds.